Tunay Nga Ba Tayong Malaya? Isang Tanong sa Ika-126th Araw ng Kalayaan ng Pilipinas

Tunay nga ba tayong malaya? Malaya na ba ang bansa natin? Malaya na ba ang mga Filipino? Ikaw bilang isang mamayang Filipino ano sa palagay mo?

Tunay Nga Ba Tayong Malaya? Isang Tanong sa Ika-126th Araw ng Kalayaan ng Pilipinas

Sa araw na ito ay ginugunita ng buong sambayanang Filipino ang ika-126th na Araw ng Kalayaan mula noong ito ay ideklara sa Kawit, Cavite noong June 12, 1898.  Ideneklara ito ng isang Presidented o pwede rin nating masabi na diktador.  Isang pangulo na may bahid ng dungis dahil sa kamatayan nina Andres Bonifacio, at Hen. Antonio Luna.  Ideneklara ito sa kabila ng ilang pagtutol, at sa kabila ng katotohanan na tayo ay hindi pa lubos na malaya sa napipintong pananakop ng Amerika.

Ilang taon nga lang ay bigla na naman tayong nasakop ng mga dayuhang Amerikano, at nagtapos noong ika-4 ng Hulyo 1946.  Sa napakatagal na panahon ay ito ang kinilala nating Araw ng Kasarinlan, subalit dahil sa pagmamahal sa bayan at para masabi na tayo ay lumaya sa pamamagitan ng sakripisyo ng mga naunang bayani ay binalik ito sa ika-12 ng Hunyo.

TUNAY NGA BA TAYONG MALAYA?

Mula noong ika-12 ng Hunyo 1898 at hanggang sa ngayon ay patuloy na naiimpluwensyahan ng mga dayuhan ang ating bansa, lalo na ng Estados Unidos.  Ang karamihan sa ating mha polisiya ay base sa dikta, pamimilit at panggigipit ng bansang ito lalo na noong una.  Napilitan tayong sumama sa General Agreements on Tariffs and Trade - World Trade Organization (GATT-WTO) at bunga nito ay napasok ng napakaraming dayuhang produkto ang ating bansa, at nalugi ang mga sarili nating produkto.

Ipinasa ng pamahalaan ang Rice Tarification Law, para di umano ay umasenso ang mga magsasaka subalit sa kabila nito ay lalong nabarat ang kanilang mga produkto at lalong nagkaroon ng lamang sa merkado ang mga dayuhang produktong bigas.

"Pagdating ng 9:01 AM ngayong araw, wala nang kalayaang sumakay ang mga walang pamasahe, pati sa susunod na 365 days.  Magbabayad na ng napakamahal na pamasahe. Dahil wala pang kalayaan sa sistemang negosyo na pati ang sektor ng serbisyo kagaya ng transportasyon ay ipinagkakaloob na ng elitista at dinastiyang gobyerno sa mga kasabwat nilang kapitalista para pagkakitaan," ito ang pahayag ngayong araw ng lider manggagawa at dating Presidential aspirant na si Ka Leody De Guzman.

Ang negosyo at kalakalan ay patuloy na hawak ng maraming mayayaman na tila walang pakialam sa kinabukasan ng ating mga kapwa Filipino, LALONG-LALO NA SA KAPAKANAN NG INANG KALIKASAN.

KALIKASAN AT KALAYAAN

Sa kabila ng pagtutol ng marami sa Pasig River Expressway o PAREX ay nilinlang ng presidente ng San Miguel Corporation na si Ramong Ang ang publiko.  Sinabi nya na hindi na raw ito itutuloy subalit ito pala ay pawang kasinungalingan lamang sapagkat sa huli ay balak pa rin itong ituloy.

Bukod dito pinagbawalan ang mga karaniwang mangingisda sa katubigan sa Bulacan, at tinambakan ang isang tagasalo ng tubig upang gawing isa sa pinakamalaking airport sa Pilipinas at sa Asya.  Ito ay sa kabila ng maraming pag-aaral na nagsasabing ito ay makakasira sa Kalikasan.

Patuloy na ninanakaw ng mga dayuhan ang ating likas na yaman. Pinapatag nila at dinadala sa bansa nila ang mga mahahalagang mineral at kumikita ng limpak limpak na salapi habang patuloy na nababaong sa kahirapan ang mga komunidad sa paligid nila at nalalason ang kalikasan.

Patuloy na pinapatay ang mga tagapagtanggol ng kalikasan na parang mga patapon, walang imbestigasyon, at ni isa ay wala pang nakukulong.

Patuloy ang mga mapaminsalang proyekto sa kalikasan, at tila ang departamento na dapat nagtatanggol dito ay walang pakialam.  Tila walang puso para sa kalikasan ang kasalukuyang sekretarya ng Department of Environment and Natural Resources o DENR.

Binuwag ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), nag apruba ng sandamakmak na reklamasyon sa Manila Bay sa kabila ng Supreme Court Mandamus Order, nagkalat ang mga reklamasyon sa iba't-ibang lugar sa bansa, may tumubong mga resort sa Chocolate Hills, pinapalayas ang mga tagapangalaga ng Masungi Georeserve para makapasok ang mga business interest at masira ang watershed, at marami pang iba.

MALAYA NGA BA TAYO?

Ikaw kaibigan, ano sa palagay mo? Malaya nga ba tayo? Malaya ba tayo upang mapili ang isang masagana, at luntiang bukas para sa ating mga anak at sa susunod na henerasyon o nasasadlak tayo sa kung ano ang gusto ng mga makapangyarihang nakaupo at may kontrol sa ating bansa?

Ang sagot ay nasa bawat isa sa atin.  

Ang solusyon ay nasa bawat isa sa atin.

Kung gusto nating maging tunay na malaya, kailangan nating kumilos para maging malaya.

Manindigan para sa Inang Kalikasan.

Manindigan para sa makatarungang pamamahala.

Manindigan para sa karapatan ng mga maralita, manggagawa, ang mga karaniwang tao sa lipunan.

Ngayon ay ARAW NG KALAYAAN, tara na at MAGING MALAYA!


David D'Angelo
Boses Ng Kalikasan
ika-12 ng Hunyo, 2024
facebook.com/dangelo4senator
x.com/daviddangeloph
tiktok.com/@daviddangeloph

0 Comments