Press Release: OPISYAL NA PAHAYAG NG SAMBILOG - BALIK BUGSUK MOVEMENT PARA SA IPMR KASAMA ANG IBA PANG MGA KATUTUBONG MOLBOG SA BALABAC, PALAWAN


Tayo po ay patuloy na nakikiisa sa ipinaglalabang ng SAMBILOG - BALIK BUGSUK MOVEMENT at ang panawagan na maniya ang kapakanan ng mga tunay na may-ari ng lupain na malinaw naman sa batas ay ang mga katutubong Palwanen, Cagayanen, at Molbog, pati na rin ang mga di-katutubong magsasaka at mangingisda mula sa 11,000 ektaryang lupain sa Bugsuk at Pandanan, Balabac.

Nawa ay may kahinatnang positibo ang kanilang siyam na araw na hunger strike na sinimulan noong Disyembre 2, 2024 (Lunes) sa harap ng opisina ng Department of Agrarian Reform.


Press Release: OPISYAL NA PAHAYAG NG SAMBILOG - BALIK BUGSUK MOVEMENT PARA SA IPMR KASAMA ANG IBA PANG MGA KATUTUBONG MOLBOG SA BALABAC, PALAWAN

Taktikang Divide-and-Conquer: Itong-ito rin ang nangyayari ngayon sa amin sa Balabac, Palawan. Pinapalakas ang alitan sa pagitan ng mga katutubo upang magpatuloy ang mga korporasyon sa kanilang pananakop sa aming mga lupaing ninuno. Sa kasalukuyan, siyam na lider ng Sambilog-Balik Bugsuk Movement (SBBM) ang nag-aayuno at nagpapakagutom sa harap ng opisina ng Department of Agrarian Reform (DAR) upang hilingin kay DAR Sec. Conrado Estrella III na baligtarin ang kanyang desisyon at ipamahagi na ang 10,821 ektaryang lupaing ninuno sa Bugsuk, Palawan.

Kasabay ng pagpapalabas ng mga artikulo ng San Miguel Corporation (SMC) sa iba't ibang mainstream media na naglalayong purihin ang kumpanya at batikusin ang kasalukuyang kampanya ng SBBM, lumabas din ang pahayag mula sa aming kinatawan sa Balabac na lantaran kaming binabatikos. Inaanyayahan po namin si IPMR Ariel Monsarapa ng Balabac, na imbes na kami'y batikusin at siraan, samahan na lamang kami sa aming pakikibaka laban sa pagmamalabis ng mga korporasyon sa ating lugar.

Ang pangyayaring ito ay bahagi ng isang mahabang kasaysayan ng pang-aabuso at pang-aagaw sa aming mga lupang ninuno. Noong 1974, sinakop ng Agriculture Investors Inc. (AII) ni Eduardo Cojuangco ang mahigit isang libong pamilyang katutubong Palwanen, Cagayanen, at Molbog, pati na rin ang mga di-katutubong magsasaka at mangingisda mula sa 11,000 ektaryang lupain sa Bugsuk at Pandanan, Balabac. Noong 1981, ang Jewelmer Corporation ay sumakop sa mga karagatang nakapalibot dito at tinaniman ng perlas. Noong 1986, nabuo ang Balik Bugsuk Movement upang makabalik sa mga lupang ninuno, at noong 2000, nagkaisa ang mga katutubo at di-katutubo upang itatag ang SAMBILOG na layuning mabawi ang karapatan nila sa lupa at karagatan mula sa Jewelmer. Noong 2023, nagsanib-puwersa ang Balik Bugsuk Movement at SAMBILOG upang maging Sambilog-Balik Bugsuk Movement na patuloy na lumalaban para sa karapatan ng mga katutubo at lokal na komunidad.

Upang muling mabawi ang mga karagatan at lupaing ninuo, nag-aplika ang mga kasaping katutubong Palawan at Molbog sa Barangay Puring, Tagnato, Buliluyan, Sebaring at Sitio Marihangin ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) noong 2005 na tinanggap naman ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). Subalit nagbuo rin ng samahan ng mga katutubo ang Jewelmer Corporation na nilabanan ang mga pagkilos ng Sambilog, at nagsampa rin ng kanilang aplikasyon. Hanggang ngayon, 19 na taon na ang nakakaran, nakabinbin pa rin ang aplikasyon ng dalawang grupo at di umuusad. Sa ganitong gana, mukhang nagtagumpay ang Jewelmer Corporation, at hindi ang mga katutubo. 

Ayon sa Sec. 56 ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA), tanging ang mga lugar na walang titulo ang maaring maipamahagi sa mga katutubo. Kaya noong 2012, nagkampanya ang Sambilog na ma-kober ng CARPER ang 10,821 ektaryang napatituluhan at kinamkam na lupain ng AII. Nagtagumpay ang Sambilog, at na-isyu ang Notice of Coverage (NOC) noong Hunyo 26, 2014. Ngunit di naipamahagi ang lugar, bagkus, binawi ang NOC sa panahon ni DAR Sec. Conrado Estrella III at muling iginawad ngayon sa San Miguel Corporation (SMC).

Sa kabila ng mga mapanlinlang na taktika ng malalaking kumpanya tulad ng SMC at Jewelmer, kami’y magpapatuloy sa aming laban para sa makatarungang pamamahagi ng mga lupaing ninuno at proteksyon ng aming mga karapatan. Ang aming adhikain ay para sa lahat ng Pilipinong nakikibaka para sa kanilang lupa, karapatan, at kalayaan. Huwag sanang magpatuloy ang pagkakahati-hati; magsama-sama tayo para sa isang mas makatarungan at malayang kinabukasan.

Lubos na gumagalang, 

SAMBILOG - BALIK BUGSUK MOVEMENT

Must Read:


0 Comments