Press Release: Mga Residente ng Marihangin, Nanawagan ng Hustisya at Serbisyo mula sa CHR, NCIP, PNP at DILG

PRESS RELEASE: Ikinasa ang malawakang dayalogo sa pagitan ng 12 residente ng Marihangin, Bugsuk, Palawan at mga representatibo mula sa Commission on Human Rights (CHR) Palawan, National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) – Palawan Office, Palawan Police Provincial Office (PPPO), at Department of Interior and Local Government (DILG) – Palawan.

Press Release: Mga Residente ng Marihangin, Nanawagan ng Hustisya at Serbisyo mula sa CHR, NCIP, PNP at DILG

Ang pagpupulong ay bunga ng pangakong dayalogo ni Palawan Governor Dennis Socrates noong Disyembre 19, sa kapitolyo ng lalawigan, na pinangunahan nina Provincial Administrator Atty. Jethro Palayon at iba pang mga opisyal. 

Kalagayan ng Kabuhayan at Seguridad sa Marihangin, Bugsuk, Palawan

Kabilang sa mga unang tinalakay sa dayalogo ang harassment na nararanasan sa Marihangin, Bugsuk, Palawan gaya ng presensya ng armadong kalalakihang pilit na nanghihimasok sa isla Marihangin. 

"Pumunta kaming CHR Palawan at sila pa ang nag-contact sa mga pulis. Pero ang ginawa nila [pulis], pinabihis at pinatakas nila ang mga nagpaputok ng baril. Imbes na hulihin nila, pinatakas pa po nila," ayon kay Angelica Nasiron, isang katutubong Molbog mula sa isla Marihangin. "Sinubmit namin ang hinaing namin pero parang wala naman pong nangyayari.”

Dagdag ni Nasiron na nananatili ang pananakot sa kanilang komunidad dahilan upang hindi sila makapaghanapbuhay nang maayos dahil sa banta sa kanilang buhay.

Ayon naman kay PCOL Joel Casupanan ng Philippine National Police (PNP) - Palawan Office na ginagampanan nila ang kanilang tungkulin na protektahan ang lahat ng partido sa Marihangin. 

"Wag kayong maniwala sa mga pananakot. Yung sinasabi ng demolisyon, pwede kaming mawala sa serbisyo kapag wala itong order ng regional director," saad ni Casupanan.  "18 ang pulis doon na anytime pag may nang-harass sa inyo ay pwede niyong lapitan." 

Dagdag pa ng bahagi ng PNP na kinasuhan na ng pulisya ang mga nagpaputok ng baril.

Nangako rin ang PNP na hindi sila tutulong sa mga pribadong kompanya o sa mga nagmamay-ari ng titulo para paalisin ang mga residente ng Marihangin sa kanilang komunidad gaya ng pagde-demolish ng mga bahay. Dagdag pa nito, hindi pwedeng paalisin ang mga armadong kalalakihan dahil sila rin ay sinasabing ‘claimant’ ng lupaing iyon. 

"Legitimate po ang security guards. Legal ang pag-request ng lisensiya mula sa security agency. Wala kaming karapatan na bawalan sila hangga’t walang iligal na ginagawa gaya ng pagpapaputok ng baril," ani Atty. Raul Regala ng PNP.

Noong June 29, 2024, nagpaputok ng baril ang mga armadong kalalakihan sa mga residente at nagpakilala itong nagtatrabaho sa ilalim ng San Miguel Corporation (SMC). 



Usapin sa Certificate of Ancestral Domain Title (CADT)

Kasama ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ipinaliwanag ni Atty. Jansen Jontilla ang kalagayan ng aplikasyon para sa Certificate of Ancestral Domain (CADT) na ipinasa ng SAMBILOG noong 2005.

“Noong 2005, may apat na aplikasyon ang grupo para sa ancestral domain. Hiwalay ang Marihangin dahil sa oposisyon. Lately, nagkaroon ng petisyon na na-submit sa office na ma-cancel ang inyong application noong 2005 na i-sinubmit through Atty. Ortega dahil walang basis," ani Jontilla.  "Doon naka attach ang titulo nila, ang siyam na nakatitulo.”

Batay rin kay Atty. Edmond Gastanes mula sa NCIP, nagsusumikap ang komisyon upang matugunan ang mga komplikasyon na nakapaligid sa aplikasyon para sa CADT ng SAMBILOG.

"Sa Palawan, 156 ang aplikasyon para sa ancestral domain. Kung magulo ang komunidad, mas pinoproseso ang nasa maayos na lugar," sabi ni Gastanes.

Ipinaliwanag din ni Gastanes na nahinto ang aplikasyon dahil sa magkakapatong na mga pag-aangkin sa mga karagatang ninuno at isang petisyon upang kanselahin ang aplikasyon.

"Ang problema sa CADT ay pareho ang inaangkin ng dalawang grupo na tubig," sabi ni Gastanes. "Umaasa kami na malulutas ito nang madali upang makausad na kami."

Sinabi rin ng opisyal ng NCIP na mahaba ang proseso ng aplikasyon para sa CADT, na may walong yugto. Ang aplikasyon ng komunidad ng Sambilog ay nasa unang yugto pa lamang, at maraming hakbang pa ang kailangang makompleto bago makagawa ng desisyon.

"Ang pagbibigay ng CADT ay isang kumplikadong proseso na nangangailangan ng matibay na batayan," sabi ni Gastanes. "Hindi natin basta-basta maaaring mag-isyu ng CADT nang walang sapat na ebidensya."

Bagama't hindi maaaring magbigay ng legal na representasyon ang NCIP sa mga kasong kriminal, tiniyak ni Gastanes sa komunidad na bukas ang ahensiya sa pagbibigay ng konsultasyon at tulong sa pagtitipon ng mga kinakailangang dokumento.

Gayunpaman, naniniwala ang mga katutubong Molbog ng Marihangin na mahalaga ang pagpapabilis ng proseso ng kanilangCADT upang maipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa at ancestral waters.

Ayon kay Soc Banzuela, National Coordinator ng Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA) posibleng interes ng ilang mga korporasyon tulad ng Jewelmer, San Miguel Corporation (SMC), Bricktree, at iba pang mga panginoong maylupa na maantala ang aplikasyon ng CADT. Ang delay umano ay nagpapahintulot na magpatuloy ang operasyon ng mga negosyong nakikinabang sa lupa, habang walang malinaw na resolusyon sa kaso ng title cancellation.

Sinabi rin sa pagpupulong na kung maipagkakaloob ang CADT, magkakaroon ng malinaw na usapan ukol sa karapatan ng mga katutubo. Magiging mahalaga rin ang papel ng NCIP sa pagtiyak na mapabilis ang proseso ng aplikasyon, habang hinaharap ang mga hamon ng land ownership at ang planong ecotourism resort sa Bugsuk, Palawan.

Isyu ng Akses sa Local Government Units (LGUs)

Isa rin sa mga pangunahing isyung tinalakay sa kasalukuyang dayalogo ay ang kahirapan ng mga residente sa pagkuha ng mahahalagang personal na dokumento mula sa Barangay Hall ng Bugsuk. 

Binuksan ni Atty. Vanessa Bautista ng Commission on Human Rights (CHR) Palawan ang isyung ito lalo na sa isyu ng pagiging pribado ng isla ng Bugsuk na nagdudulot ng malaking balakid sa mga residente mula sa kalapit na isla ng Marihangin.

Ayon sa mga residente ng Marihangin, nasa isla ng Bugsuk ang barangay kung saan dapat kinukuha ng mga residente ang kanilang mga dokumento tulad ng indigency, cedula, at iba pa. 

Anila, kinakailangan pang itawag sa Makati ang pagkuha lamang ng papeles at hintayin ang kumpirmasyon bago ito matanggap. 

Kinilala ni Department of Interior and Local Government (DILG)-Palawan Provincial Director Virgilio L. Tagle ang mga limitasyong kinakaharap ng gobyerno sa pagresolba ng isyu.

"Ang Bugsuk ay isang pribadong lugar. Lumabas lamang ang usaping ito dahil sa isyu ng Marihangin. Ngayon lang nai-raise ito sa amin, pero gumagawa kami ng paraan," ani Tagle.

Dagdag pa ni Tagle, "[Kung] kailangan [pa] ng clearance mula sa Makati bago makapasok sa lugar, may problema nga."

Ayon pa kay Tagle, ang isang posibleng solusyon ay ang kanselahin ang titulo ng Bugsuk upang maibalik sa komunidad ang karapatang magamit ang lugar. "Kung nasa inyo talaga ang right, kapag nakansela ang titulo, tingin ko mareresolba ang lahat. Kailangan naming mag-usap para ma-pursue ito," ani Tagle.

Patuloy na umaasa ang mga residente ng Marihangin na mabibigyang solusyon ang kanilang hinaing, lalo na ang pagkakaroon ng patas na akses sa mga dokumento at serbisyong nararapat para sa kanila.


Tinig ng Komunidad

Press Release: Mga Residente ng Marihangin, Nanawagan ng Hustisya at Serbisyo mula sa CHR, NCIP, PNP at DILG


Ayon kay Marilyn Pelayo, Pangulo ng Sambilog Marihangin Chapter, hiling ng komunidad ang mas konkretong aksyon mula sa mga ahensya ng gobyerno.

"Habang pinoproseso ang titulo, sana magawan ng paraan na huwag kaming guluhin. Hindi kami makapaghanapbuhay, at iyon ang nagbibigay sa amin ng matinding hirap," ani Pelayo.

Mungkahi rin ng maraming residenteng dumalo sa pagpupulong na maging maagap ang kapulisan sa susunod upang maiwasan ang karahasan. 

0 Comments